Ang problema sa ating mga Pilipino, mahilig tayong mag-exaggerate. Yung tipong muntikan lang mahagip ng isang motorsiklo ang isang pedestrian, maaari nang makarating sa iba na, natumba siya, nahagip, nabangga, at ngayon, kritikal na sa ICU.
Naaalala ko noong nag-volunteer ako sa Red Cross. Noong eleksyon, naatasan akong mapalagay sa isang paaralan para sa First-Aid Station. Dalawa pa lang kami ng kasama ko noon. Payapa naman ang mga tao kahit siksikan at naiinitan. Wala pang isang oras na nandoon kami ay may sumigaw na ng tulong.
Meron daw hinimatay na babae sa 3rd floor ng isang gusali. Agad akong tumakbo dala ang isang malaking spine board. Habang papalapit ako sa hagdanan, may nagsabi na buntis pa raw yung nahimatay. Habang umaakyat pa ako, may nagsabi na parang manganganak na raw. At pagdating ko sa ikalawang palapag, dinudugo na raw. Worst case scenario ang naiisip ko. Baka doon pa manganak at ako pa ang magpa-anak. Malayo. Imposible. Mahirap.
Pagpasok ko sa silid, hanap agad ako ng babaeng dinudugo. Ng babaeng malaki ang tiyan. Ng babaeng in distress. Langya. WALA.
As in kalmado lang ang mga botante sa pagkakaupo nila. At merong isang babae na mukhang nahihilo. Tiningnan ko ang kanyang maong na pantalon at hindi ito basa. Walang senyales na may pumutok na panubigan o may dugong lumabas. At hindi siya buntis. Siya pala ang "hinimatay" na "buntis" na "dinudugo" at "manganganak" na.
Aminado rin ako na minsan ako ay may pagka-exaggerated. Minsan, sinasabi ko na sobrang congested ang traffic sa kalsada kahit meron pang-mas congested dun. Minsan din, sinasabi ko na buong biyahe sa bus, nakatayo ako, kahit hindi naman. O kaya, naligo ako sa ulan kahit naambunan lang naman.
May kanya-kanya tayong exaggerations sa buhay. Tanggap ko yun at dapat tanggap din ng lahat. Pero merong iba na over over to the highest level todo na to kung mag-exaggerate.
Nakakairita kapag alam mo ang tunay na kwento at binahiran ito ng tsismis at eksaherasyon. Natural sa tao na depensahan ang sarili nya o ang kaibigan nya kahit kailangang gumawa na ng kwento o mag-edit ng ilan man sa bahagi ng storya.
Nakakainis lang dahil kung sino pa ang nagsasabi ng totoo minsan, siya pa ang nagiging mali dahil mas marami ang naniniwala sa baluktot na katotohanan.
No comments:
Post a Comment